Patay ang limang indibidwal habang 10 ang sugatan sa salpukan ng van at pampasaherong bus sa Pagbilao, Quezon Province, kahapon.

Ayon kay P/Major Mederic Villarete, hepe ng Pagbilao-Philippine National Police (PNP), southbound ang truck nang mawalan ito ng kontrol at lumipat ng linya dahilan para mabangga ang kasalubong na bus na biyaheng Leyte.

Tinangka pa umanong umiwas ng bus pero sumalpok pa rin ang truck.

Kasalukuyang nasa Quezon Medical Center ang 10 pasahero na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.

Maayos naman ang kalagayan ng 23 pang pasahero na nasa barangay hall ng Silangang Malicboy.

Samantala, nangako ang kompanya ng bus na sasagutin ng lahat ng gastos sa ospital at ng mga namatayan.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP hinggil sa aksidente.