LEGAZPI CITY- Patay ang limang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos na mauwi sa engkwentro ang pagsisilbi ng arrest warrant ng mga otoridad sa Barangay Bugtong, Mandaon, Masbate.
Ayon sa Mandaon Municipal Police Station, magsisilbi lamang ng warrant of arrest ang mga pulis laban kay Eddie/Arnold Rosero alyas Ka Star at mga kasamahan nito na wanted sa limang kaso ng murder, attempted murder, paglabag sa international humanitarian law, genocide at human rights abuse.
Subalit imbes na sumuko, nanlaban pa umano ang mga rebelde kung kaya dito na nagkapalitan ng putok na tumagal ng kalahating oras.
Patay sa insidente ang limang hindi pa nakikilalang miyembro ng NPA habang wala naman na nasugatan sa panig ng mga otoridad.
Mabilis na tumakbo papalayo ang mga rebelde at narekober sa lugar ang tatlong M16 rifle, isang M14 rifle; dalawang kalibre 45; improvised explosive device na may detonating cap, at iba pa.
Sa ngayon inalerto na ng PNP ang mga police station at mga kasundalohan para sa pagtugis sa mga nakatakas na NPA.