Aminado ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na malaking sakripisyo ang kailangang gawin para matugunan ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na paikliin ng limang minuto ang biyahe sa kahabaan ng EDSA.

Sa isang panayam sinabi ni MMDA special operations group head Bong Nebrija, mapipilitang magpatakbo ng hanggang 155-kilometers per hour ang mga sasakyang dadaan ng EDSA sa ilalim ng target na pabilisin ang kanilang biyahe mula Cubao sa Quezon City hanggang Makati.

Kamakailan nang sabihin ni Duterte na iikli ng hanggang limang minuto ang biyahe ng mga motorista sa EDSA pagdating ng Disyembre.

Sa ngayon patuloy daw na pinag-aaralan ng MMDA ang pahayag ng pangulo, kasama ang ilan pang ahensya na kabilang sa binuong inter-agency task force na inaasahang tutugon sa problema ng traffic.