Planado na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagkakakumpleto at pagtatayo ng limang cruise terminals sa mga pangunahing tourist destination sa buong bansa.
Ayon kay PPA Gen Manager Jay Santiago, ilan sa mga ito ito ay nasa proseso na at malapit nang makumpleto habang ang iba ay nakatakda pa lamang simulan.
Tinukoy ni Santiago ang cruise terminal sa Siargao na sa ngayon ay 99% nang nakukumpleto.
Pangalawa ay ang cruise terminal sa Coron, Palawan na nakatakda na ang groundbreaking sa susunod na taon.
Ang ilan pang mga lugar kung saan plano nitong mapagtayuan ng mga magagarang cruise terminal ay ang Aklan, Bohol, at Camiguin.
Ang tatlong nabanggit na mga lugar aniya ay may malaking potensyal na pagtayuan ng mga terminal dahil na rin sa malaking bilang ng mga turistang bumibisita sa mga ito.
Pagtitiyak ng PPA head na makakatulong ang mga itatayong cruise terminal upang mahikayat pa lalo ang mga dayuhang turista, lalo na ang mga turistang mas pinipili ang magbakasyon gamit ang mga luxury cruise ship.
Maalalang bago nito ay iniulat din ng Subic Bay Metropolitan Authority ang hanggang sa 11 na luxury cruise ship na nakatakdang bumisita roon hanggang sa susunod na taon.
Ang pinakauna rito ay sa buwan ng Nobiembre, 2023.
Ayon kay PPA Chief Santiago, ang mga cruise terminals ang pangunahing pasilidad na kailangan ng mga luxury cruise ship para makadaong sa mga lugar na nais nitong mapuntahan.