-- Advertisements --
Quezon landslide

Patay ang apat na katao matapos mabaon sa nangyaring landslide sa isang liblib na bahagi ng Brgy Umiray, General Nakar, Quezon Province.

Ayon kay General Nakar Mayor Eliseo Ruzol, ang naturang lugar ay bahagi ng Sierra Madre mountain range na ilang araw umanong nakaranas ng mga pag-ulan.

Dahil sa layo ng lugar at mahinang komyunikasyon, inabot ng isang araw bago umano nakarating sa kaalaman ng LGU ang nangyari.

Ayon sa alkalde, limang kabahayan ang natabunan ng lupa na galing sa kabundukan ng Sierra Madre.

Kinailangan ding gumamit ang mga rescuers ng mga backhoe dahil sa lawak ng pinsala, at upang maiahon ang mga natabunang katawan.

Bagaman nagpapatuloy pa rin ang operasyon sa lugar, posibleng hindi na rin umano madagdagan ang mga naunang natukoy na casualties.

Kinabibilangan ito nina Sherly de los Angeles, 37; asawa nitong si Jonathan de los Angeles, 39; Dionely Datario, 36; at Ramil Binalao, 49, habang ang pang-lima ay patuloy pa ring bineberipika ang pagkakakilanlan.

Ayon sa Alkalde, ang naturang lugar ay nasa boundary ng Bulacan, Quezon, at Aurora province.