BACOLOD CITY – Kaagad na pinasabog ng mga kasapi ng militar ang limang eksplosibo na natagpuan ng isang residente sa palayan sa Bago City, Negros Occidental.
Ayon sa 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army, isang residente sa Purok Malipayon, Barangay Busay, Bago City ang aksidenteng nakakita ng limang eksplosibo sa tuyong palayan kaya’t humingi sila ng tulong sa mga barangay offficials at pulis.
Kaagad na rumesponde ang mga kasapi ng Bago City Police Station at kanilang narekober ang isang fragmentation grenade, isang grenade rifle, isang projectile grenade at dalawang fuze assembly.
Humingi naman ng tulong ang mga pulis mula sa Explosives and Ordnance Disposal Battalion ng 303rd IB ng Philippine Army para sa wastong disposal ng mga ito.
Nagpasalamat naman si 303rd IB commander Col. Inocencio Pasaporte sa mga residente sa kaagad na paghingi ng tulong mula sa mga otoridad kaya’t hindi nailagay sa panganib ang kanilang buhay.