Iniharap ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang walong dating miyembro ng Communist Party of the Philippines New People’s Army (CPP-NPA) kasunod ng pagsuko at muling pagbabalik loob ng mga ito sa pamahalaan.
Ayon kay Abalos, lima sa mga ito ay mga commanding officers o platoon leaders, habang tatlo naman ang miyembro ng nasabing rebeldeng grupo.
Kwento niya, ang naturang mga indibidwal ay dala ng isa pang commander ng isang NPA company na binubuo ng mahigit 100 miyembro ng mga rebelde.
Paniniwala niya, nasa “end game” ngayon ang pamahalaan pagdating sa peace program nito nang dahil sa nagpapatuloy na pagdami pa ng mga sumusukong kasapi ng CPP-NPA.
Ito aniya ay dahil na rin sa naging tagumpay ng programang End the Local Communist Armed Conflict (ELCAC) ng pamahalaan.
Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ni Abalos na tutulungan ng gobyerno ang lahat ng mga nagbalik loob na rebelde pagdating sa kanilang suliraning pinansyal at gayundin sa educational assistance ng kanilang mga anak sa ilalim naman ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan na nagbibigay benepisyo para sa mga sumukong miyembro ng teroristang grupong New People’s Army.