CAGAYAN DE ORO CITY – Arestado ang limang miyembro ng budol-budol gang na target na biktimahin ang senior citizens sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ito ay matapos unang nakapag-biktima ang mga suspek kung saan ninakawan nila ang hindi na pinangalanan na biktima sa isang food chain sa J.R. Borja Street ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Cogon Police Station commander Police Capt. Tessie Lleva na kinilala ang tumatayong pinuno ng grupo na si Romeo Rivera,72-anyos na nagmula sa Tagum City, Davao del Norte.
Inihayag ni Lleva na naaresto rin nila ang sina Dexter Maglasang, Mary Ann Torres, Josie Barba at Gina Pardillo na unang nagpakilala na nagmula sa Butuan City at Iligan City subalit nang mausisa ng husto, galing pala ang mga ito sa Davao del Norte.
Dagdag ng opisyal na kadalasan umano sa mga bini-biktima ng mga suspek ang senior citizens na makikita nila sa mga palengke at bangko.
Narekober sa kanilang posisyon ang libu-libong pera na ginamit bilang pang-engganyo sa target victims, isang kulay asul na Toyota Revo at ilang mga dokumento.
Tumambad rin sa pulisya mula sa mga suspek ang isang granada at kalibre 38 na baril.
Tumanggi nang magbigay pahayag ang mga suspek dahil ipinapa-ubaya na lamang nila ang kanilang kaso sa makukuha nito na abogado.
Sasampahan ng mga kaukulang kaso ang mga suspek sa piskalya sa syudad sa darating na araw na Martes.