-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nasugatan ang limang bata matapos na mabangga ng isang SUV ang sinasakyan nilang motorsiklo sa bahagi ng Malapat. Cordon, Isabela.

Ang mga biktima ay sakay ng isang Honda Click na minamaneho ni Jay , 12 anyos, estudyante habang angkas naman niya sina Vhyron 8 anyos; Andrei 10 anyos; Kyzer 9 anyos at Karen 5 anyos , pawang mag-aaral at residente ng Cordon, Isabela.

Si Cesar Lim, nasa wastong gulang ang tsuper ng pulang Toyota Innova at residente ng Buenavista, Santiago City ang nakabangga sa motorsiklo ng mga bata

Lumalabas sa pagsisiyasat ng Cordon Police Station na papaliko na sana sa isang elementary school ang motorsiklo lulan ang mga biktima ng bigla itong mabangga sa likurang bahagi ng sumusunod na SUV.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang mga biktima at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad na dinala ng mga tumugong kasapi ng rescue team sa Southern Isabela Medical Center ang mga bata para malapatan ng lunas.

Nasa pangangalaga na ng Cordon Police Station ang mga sangkot na sasakyan maging ang tsuper ng SUV para sa kaukulang dokumentasiyon at disposisyon.