-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bukas pa rin ang kanilang mga tanggapan sa lahat ng mga nangangailangang Pilipino sa kabila ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD-Bicol Director Arnel Garcia, kahit nagsara na ang ibang opisina ng gobyerno bunsod ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ay bukas pa rin ang kanilang tanggapan para sa pagbibigay ng burial at medical assistance.

Subalit nililimitahan na lang muna sa 50 ang mga taong pinapayagan na makapasok sa opisina upang mapanatili ang iminumungkahi ng gobyerno na social distancing habang nagbibigay ng serbisyo.

Samantala, tiniyak ni Garcia na maging ang cash grants sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay ibibigay pa rin kahit nasa proseso pa ang pondo.