-- Advertisements --

MANILA – Binabantayan na ng Department of Health (DOH) ang sitwasyon ng 41 pasahero na “close contacts” ng dalawang Pilipinong nag-positibo sa B.1.617 o “Indian variant” ng COVID-19 virus.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, mayroong anim na close contacts ang unang kaso na galing Oman. Habang 35 ang close contacts ng ikalawang kaso na galing naman ng United Arab Emirates.

Parehong seaman ang mga nag-positibo sa Indian variant, na umuwi ng Pilipinas bago ipinatupad ang travel ban sa India.

“Tini-trace na natin itong mga kababayan natin na nakasama sa eroplano. We are tracing all of them and check all of their statuses.”

Sa ilalim daw ng protocol ng ahensya, itinuturing bilang close contacts sa eroplano ang apat na pasaherong nakaupo sa harap, likod, at gilid ng isang nag-positibo sa sakit.

Nilinaw naman ni Vergeire na dumaan sa panuntunan na mandatoryong testing at quarantine ang naturang close contacts pagdating nila ng bansa.

“They were either tested on the fifth or sixth day and they have completed yung quarantine nila on the national and local government level,” ayon sa opisyal.

“The protocols were followed and hopefully hindi tayo nagkaroon ng breach sa protocols para masabi na mayroon tayong danger sa ating mga kababayan.”

Batay sa datos ng DOH, taga-Soccsksargen at Bicol region ang dalawang seaman na nag-positibo sa COVID-19 Indian variant.