-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Isinailalim sa isang linggong granular lockdown ang 41 barangays sa bayan ng Guinobatan sa Albay na magtatagal ng hanggang Oktubre 21.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Guinobatan Mayor Gemma Ongjoco, sinabi niya na ipinatupad ang lockdown base sa abiso ng Municipal Inter-Agency Task Force dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lugar.

Tanging ang mga barangay lang ng Batbat, Bololo at Pood ang hindi kasama sa lockdown dahil walang naitatalang kaso ng COVID-19.

Istriktong ipigbabawal ang paglabas ng mga residente sa bahay, kung saan isa lamang ang maaaring bumili ng mga importanteng pangangailangan na dapat ay may quarantine pass.

Maglilibot din ang mga barangay officials upang sitahin ang mga mahuhuling lumalabag sa direktiba na posibleng mapatawan pa ng penalidad.

Panawagan ng alkalde sa mga residente na sumunod upang mapababa ang kaso ng COVID-19 sa bayan at hindi na kailangang palawigin pa ang granular lockdown.