Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong suspendihin ang pagkolekta ng excise tax hike sa gasolina, diesel, at iba pang mga produktong petrolyo sa loob ng apat na taon.
Sa ilalim ng House Bill No. 10246 na inihain ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, sususpindehin ang pagkolekta ng excise tax hike na nakasaad sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law mula Enero 1, 2022 hanggang Disyembre 31, 2025.
Kapag matuloy ito, ang kokolektahing excise tax sa mga produktong petrolyo sa loob ng apat na taon ay ibabase lamang sa rates na nakasaad sa National Internal Revenue Code bago pa man ito maamiyendahan ng TRAIN Law.
Ibig sabihin lamang nito ay P4.35 at P5.35 kada litro ang excise tax na lamang sa regular na gasolina at unleaded na gasolina sa halip na P10 na sinisingil sa kasalukuyan.
Bukod dito, hindi rin papatawan ng excise tax kung sakali ang diesel, kerosene, at liquefied petroleum gas.
Mangangahulugan lamang ito na bababa rin ang presyo ng consumer goods at services.
Malaking tulong na rin ito sa mga Pilipino hanggang sa tuluyan nang makabangon ang bansa sa epekto ng COVID-19 pandemic.