-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sumiklab ang engkwentro ng mga pulis at mga armadong grupo sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga nasugatan sa panig ng mga armadong kalalakihan na sina Mojamer Abdulkarim Esmael, Oting Sanday at Nasser Esmael.

Tinamaan rin ng ligaw na bala ang isang sibilyan na si Bryan Khalid.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Christopher Panapan na limang mga sasakyan ang dumating sa palengke ng Simuay Junction Sultan Kudarat Maguindanao.

Hinanap ng mga suspek si Barangay Simuay Barangay Chairman Guiaber Dalinding.

Nang hindi makita ng mga armadong grupo si Kapitan Dalinding ay walang habas itong nagpaputok gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Nang magresponde ang mga pulis ay pinaputukan ito ng mga suspek na humantong sa dalawampung minutong palitan ng bala sa magkabilang panig.

Umatras ang mga suspek lulan ng kanilang mga sasakyan at iniwan ang kanilang mga sugatan na kasamahan.

Agad dinala ang mga sugatang suspek sa pagamutan at mahigpit na binabantayan ng mga pulis habang ligtas na ang sibilyan na tinamaan ng mga ligaw na bala.

Away politika ang ugat sa pag-atake ng mga suspek target si Kapitan Dalinding.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Maguindanao PNP sa pagsalakay ng mga armadong grupo sa palengke.