LEGAZPI CITY – Sugatan ang ilan sa mga sakay ng isang kotse maging ang nakabanggaan nitong pampasaherong jeep sa kahabaan ng kalsadang sakop ng Brgy. Cullat, Ligao City.

Nabatid na pababa na sana ang jeep mula pakurbang kalsada ng Pioduran na minamaneho ni Edgar Medenilla, 45, at lulan ang 20 pasahero.

Nang pakaliwa na ito, sumalubong sa linya ang isang asul na kotse na minamaneho naman ni Jonathan Quinones, 53, sakay si Julie Reamico, 50.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lt. Col. El Cid Roldan, hepe ng Ligao City PNP, head on collision umano ang nangyari kaya’t malala ang tinamong sugat sa ulo ni Reamico habang duguan din ang ulo at paa ng driver ng kotse.

Nahulog rin mula sa jeep ang dalawang “topload” na nagtamo ng pilay sa braso at ilang gasgas.

Aminado naman si Quiñones na bahagyang nakaidlip nang mangyari ang pagbangga.

Sa lakas ng impact, nawasak ang unahang bahagi ng kotse habang nagtamo rin ng pinsala ang jeepney subalit inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala na aabutin dahil sa nangyari.

Samantala, muling nagpaalala ang hepe sa mga driver na maging maingat sa pagmamaneho kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng batas sa sinumang lalabag.