CENTRAL MINDANAO – Nag-iwan ng apat na kataong sugatan ang nangyaring pagsabog sa loob ng pampasaherong bus dakong alas-6:57 kaninang umaga lamang sa Maguindanao.
Nagngangalan ang mga sugatan na sina Fesel Panario Culag, 40-anyos; John Paul Capuo, 17; Expedito Bocay, 45; at Benjamin Macacua Wahab, 32, pawang residente ng Cotabato City.
Ayon kay Parang Chief of Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, sumabog sa likurang bahagi ng Rural Tours Bus ang hindi pa matiyak na uri ng bomba sa bahagi ng Barangay Making sa Parang, Maguindanao.
Dahil sa lakas ng pagsabog ng improvised explosive device, apat na pasahero ang nasugatan.
Kaagad naman sila dinala sa Parang District Hospital ngunit sina Culag at Capuo ay inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City dahil nasa maselang kondisyon.
Posibleng awayan o selos sa ruta ng RTB na may biyaheng Dipolog City papuntang General Santos City ang tinitignang motibo sa pagsabog.
Iniimbestigahan na ng Parang-Philippine National Police ang insidente upang matukoy ang motibo sa likod ng pagpapasabog.