CAGAYAN DE ORO CITY – Nauwi sa amicable settlement ang malagim na pagkasawi ng apat na empleyado ng kompanyang Shell na nakabase sa Davao City matapos nakabanggaan ng sinakyan nila na L-300 van ang Wing van sa kahabaan ng Barangay Tangkolan,Manolo Fortich, Bukidnon.
Ito ay matapos pinaniniwalaan ng pulisya na inaantok o nakatulog ang L-300 van driver na si Rico Cagnaan mula Davao City trip kaya nakasalubong sa kabilang lane ang wing van na mula naman sa Cagayan de Oro pagdating sa nabanggit na bahagi ng Bukidnon.
Kinilala ni Police Regional Office 10 spokesperson Police Maj. Joann Galvez- Navarro ang mga nasawi na sina Gelan Morales;Daisrie Racaza,Olivia Alimes at Cagnaan na lahat taga- Davao City.
Sa ginawa na imbestigasyon ng Police Maj. Harvey Sanchez,hepe ng Manolo Fortich Police Station na unang nagpagiwang-giwang ang takbo ng L-300 van kaya umiwas ang mga kasalubong na mga sasakyan.
Subalit napuruhan umano ang wing van na minaneho ni Nielboy Agocoy ng Malaybalay City,Bukidnon kaya nangyari ang madugo na aksidente.
Tinangka pa sana ni Agocoy na ilihis ang sasakyan subalit peligro na rin na siya pa ang mahulog sa malalim na bangin sa accident area.
Kalaunan ay nagkansundo ang dalawang panig kaya wala nang naisampa na kasong kriminal at pinakawalan ng pulisya ang wing van driver kahapon.