Apat na pasahero sa loob ng isang Tricycle, ikinukunsidera na ng Task Force COVID-19 sa Kidapawan City

CENTRAL MINDANAO-Kinukunsidera na ng Task Force Covid19 Kidapawan City na ipatupad ang tig-apat na pasahero na sakay sa loob ng tricycle ngayong nasa community quarantine kontra COVID-19 pa rin ang lungsod.

Tugon ito sa idinadaing ng mga tsuper at operator na nabawasan ng kita dahil na rin sa pinatutupad na tig-dalawang pasahero lang ang dapat na ikarga ng mga tricycle sa ngayon alinsunod sa anti-COVID-19 protocols ng physical distancing.

Isa pa ay makakatulong ito na maiwasan ang paniningil ng mataas na pamasahe ng mga tsuper, ayon pa kay Fedaration of Kidapawan Integrated Tricycle Association o FKITA President Jabby Omandac.

Sa ilalim ng proposal ng FKITA, dalawang pasahero sa harap at dalawa sa likod ang hinihiling nila na maipatupad.

May plastic covering na ilalagay sa pagitan ng bawat pasahero pati na rin sa driver upang makatulong na mapo-proteksyunan ang bawat isa sa pagkakahawa sa sakit.

Siniguro naman ng FKITA na kung sakaling pumayag ang TF Covid19 sa kanilang kahilingan, sisiguraduhin nilang hindi lalagpas sa apat o mag-ooverloading ang kanilang mga tsuper dahil huhulihin sila ng mga otoridad kapag nagkataon.

Pero bago pa man ito maa-aprubahan, ipapaalam muna ng City Government ang nabanggit na sistema ng pamamasada sa Task Force Covid19 ng Cotabato Provincial Government.

Aalamin din ng TF Covid19 Kidapawan kung pasok ba ito sa mga itinatakda ng Department of Transportation alinsunod sa mga protocol kontra Covid19 ng Integrated Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases o IATF-EID.

Posibleng ang nabanggit na ang magiging ‘new normal’ sa sistema ng pamamasada ng mga tricycle sa lungsod kapag inaprubahan ng mga otoridad ang kanilang kahilingan, ani pa ng FKITA.