Naghain ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng criminal charges laban sa apat na electronic lotto operators.
Ayon sa PCSO, ang mga ito ay tinatayang nakakulekta ng P4.7 billion na bet money mula April 2022 hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.
Ang apat na nabanggit na operators ay nag-ooperate umano ng mga illegal e-lotto games na tinatawag na SureLotto at PakiLotto.
Ayon kay PCSO general manager Mel Robles, una silang inimbestigahan ng PCSO kasama ang National Bureau of Investigation(NBI) at natukoy na ang mga ito ay nagpapakilala umanong government-licensed operators kahit na hindi sila nabigyan ng anumang lisensya.
Umabot aniya ng ilang buwan bago nabuo ang kaso na isinampa laban sa kanila, dala na rin ng pangangailangan na makapaghanap ng maraming ebidensya.
Ang imbestigasyon na isinagawa ng PCSO ay sa pakikipagtulungan ng isang electronic payment platform kung saan natukoy na umabot sa P4.7 billion ang naging remittance nito sa mga kumpanyang nag-ooperate ng iligal na e-lotto.
Ayon pa rin sa PCSO official, ang mga nabanggit na kumpanya ay gumagamit rin sa logo ng PCSO, kayat marami ang napapaniwala na sila ang ligal.
Ang mga naturnag kumpanya, ayon sa PCSO ay kinabibilangan ng Eplayment Corp., Paymero Technologies Limited, GlobalComRCI International and Blockchain Smart-Tech Co. IT Consultancy.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa kanila ay ang usurpation of authority and paglabag sa anti-illegal gambling law ng bansa.