-- Advertisements --

Nasa kritikal na kondisyon pa rin hanggang sa ngayon ang apat na biktima ng bumagsak na ikalawang palapag ng St. Peter the Apostle Church sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon kay City Disaster Risk Reduction Management Office head Gina Ayson, kabilang sa mga ito ay ang isang indibidwal na may edad na 82 taong gulang na nagtamo ng multiple fractures, isang 70 taong gulang na nagtamo ng leg fracture, 64 taong gulang na nakakaranas ng hypertension, at isang 49 taong gulang na nagtamo ng wrist fracture at kailangang maoperahan.

Aniya, sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawa nilang monitoring sa kondisyon ng mga biktima ng naturang trahedya na pawang kasalukuyan pa ring nasa mga pagamutan.

Kung maaalala, una nang iniulat public information office ng naturang lungsod na nadagdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na napaulat na sugatan nang dahil sa naturang trahedya na pumalo pa sa 63.

Kaugnay nito ay may isa na ring nasawi nang dahil sa nangyaring trahedya.

Kinilala ng mga otoridad ang nasawing biktima na si luneta morales, 80 taong gulang at isang choir member ng naturang simbahan.