Agad naglabas ng Executive Order si Bohol Gov. Aris Aumentado na nagbabawal na makapasok sa mainland Bohol ang mga buhay na baboy, karne at mga pork-related products mula sa mga bayan ng Dauis at Panglao.
Ito’y matapos nakatanggap ng ulat mula sa Office of the Provincial Veterinarian ng hinihinalang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa ilang barangay sa Dauis kung saan 57 alagang baboy ang namatay.
Ibinunyag ni Aumentado na nagdeklara na ng outbreak dahil sa naturang sakit ng baboy sa apat na mga barangay sa Dauis kabilang na ang Barangay Mayacabac, Catarman, Mariveles at Biking.
Sinabi pa ng opisyal na agad kinordon ang nabanggit na mga barangay at kumuha ng blood sampling sa mga areas na hindi pa tinamaan patungo sa sentro ng may outbreak.
Naglagay na rin ng mga checkpoints sa dalawang tulay patungo sa lungsod ng Tagbilaran upang maiwasang kumalat pa ang sakit sa ibang mga bayan at aalisin lang kapag walang dumagdag na barangay na apektado ng ASF.
Nananatiling nakatuon ang pamahalaang panlalawigan sa pagiging aktibo at mapagbantay sa pagprotekta sa industriya ng mga baka at manok upang matiyak ang seguridad ng pagkain sa lalawigan, kabilang ang anim na bilyong industriya ng baboy, laban sa lahat ng uri ng mga nakakahawang sakit
Hinimok din ng gobernador ang lahat ng local government units sa Bohol na gumawa ng mga preventive measures sa mga lugar ng kanilang nasasakupan.