-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang apat na miyembro ng isang pamilya sa banggaan ng pampasaherong bus at tricycle sa Barangay Bukal Sur, Candelaria, Quezon.

Kinilala ang mga namatay sina na Wilson Garma, driver ng tricycle; ama na si Cristito Garma, asawa na si Loraine Garma; at pamangkin na si Althea Garma, limang taong gulang.

Sugatan naman ang lola na si Corazon Garma at mga apo na sina John Raine Garma at Ashley Diane Garma.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Cpl. Czesar Caliwara, imbestigador ng Candelaria-Philippine National Police, sinabi nito na mula sa family reunion ang mga biktima na sakay ng tricycle at patungo sana sa bayan ng Tiaong.

Ngunit pagdating sa naturang lugar, kinain aniya ng tricycle ang linya ng kasalubong na pampasaherong bus na mula sa Manila at patungong Lucena City.

Dahil sa lakas ng impact, sugatan ang lahat ng sakay ng tricycle na agad namang isinugod sa ospital ngunit hindi na naagapan ang buhay ng apat na mag-anak habang patuloy na inoobserbahan ang tatlong iba pa.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang bu driver na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at physical injury at damage to property.