Patuloy pang pinaghahanap sa ngayon ang apat sa limang pasahero ng motor banca na nawawala matapos tumaob sa Catanduanes.

Batay sa report ng Police Regional Office 5, naganap ang insidente bandang 7:30 kagabi, Holy Thursday sa Sito Boroc-Boroc ng Barangay Lubas, San Andres, Catanduanes.

Kinilala ang nag-iisang survivor na si Francis Rogas, 31-anyos na nagawang makalangoy hanggang sa pampang at nakapag-report sa otoridad.

Inihayag ni Rogas na tumaob ang kanilang bangka nang tamaan sila ng malalaking alon at nawalan ng balanse.

Nakipag-ugnayan ang San Andres Municipal Police Station sa Philippine Coast Guard-San Andres base at sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office para sa gagawing search and rescue operation.