DAVAO CITY – Mahaharap sa patong-patong na kaso ang apat na lalaki na umano’y nagpapatakbo ng investment scam sa isang bahay sa Barangay Tipas Magugpo East sa Tagum City.
Sinasabing sekreto ang operasyon ng kompanyang Grapler Marketing na nag-aalok ng 400% na tubo sa kanilang mga investor sa loob ng isang buwan.
Ayon kay Joel Ayop, tagapagsalita ng National Bureau Investigation (NBI)-11, may nagsampa ng reklamo sa kanilang opisina laban sa nasabing kompanya kaya kanilang ikinasa ang enstrapment operation laban sa mga suspek.
Sinabi rin ni Ayop na matibay ang mga ebidensiya laban sa mga suspek matapos marekober sa kanilang posisyon ang mahigit P200,000 cash, cellphones, mga bala, dalawang high powered firearms na m4, at money counting machine.
Kasalukuyan nang nakakulong ang mga suspek sa NBI.
Kabilang sa mga kasong isasampa sa kanila ang syndicated at large scale estafa, paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions at paglabag sa Securities and Regulation Code of the Philippines.