Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang apat na Korean nationals matapos itong arestuhin ng pinagsanib-pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Lapu-Lapu City at Mabolo Police Station dahil sa iligal na pagpapatakbo ng POGO sa isang condominium sa Brgy. Lahug nitong lungsod ng Cebu.
Isinagawa ang operasyon noong Biyernes, Agosto 5, sa bisa ng search warrant matapos ang limang buwang surveillance na humantong naman sa pagkaaresto ng target ng operasyon na si Taewong Kang, 42 anyos at ang mga kasamahan nito na sina Jung Ho Won, 41 anyos; Kim Dae Hyeon, 36 anyos; at Park Ji Sung, 40 anyos pawang mga residente ng Gwangju South Korea ngunit kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Lahug nitong lungsod.
Nakumpiska ang 18 CPU units, 14 computer monitors, pitong Wifi routers, 30 USBs, siyam na one-time password generators, 120 sim cards, 11 assorted cellphones, 11 keyboards, 8 pirasong mouse, 10 SSD memory cards, at tatlong record books.
Inihayag ni P/Capt. Nigel Sanoy na kasama pa sa iligal na aktibidad ng mga suspek ay ang phishing at pang-scam sa ibang mga Koreano.
Maliban dito, gagawa pa umano ang mga suspek ng gaming application na nangangailangan ng magparehistro at tinatarget nito ang mga players na mag-invest ng pera para makapaglaro.
Kapag naglabas na umano ang biktima ng pera, saka pa nila i-shutdown ang application upang masigurong hindi na mabawi pa ang perang ininvest ng manlalaro.
Dagdag pa ni Sanoy na sa Pilipinas isinagawa ng mga suspek ang iligal na aktibidad sapagkat mahihirapan silang gawin ito sa South Korea dahil sa mahigpit na cybercrime law at mas advance na teknolohiya doon.