Reading Time: 2 minutes

TUGUEGARAO CITY – Sugatan ang apat na katao matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa bayan ng Abulug, Cagayan.

Nakilala ang mga biktima na sina Ely Pablo, 51; Joselito Taneza, 31; Eddie Agatep,40 at Melvin Taala, 41 pawang residente ng Barangay Cabaritan West, Ballesteros.

Ayon kay Police Major Ronald Balod, hepe ng PNP-Abulug, papunta ang mga biktima sa bayan ng Abulug lulan ng kanilang tricycle para dumalo sa lamay ng kanilang kaanak.

Nang marating ang Brgy. Zitanga, Ballesteros ay hindi napansin ni Pablo na siyang driver ng tricycle ang kasalubong na motorsiklo na sanhi nang muntikang banggaan.

Ang buong akala ng mga biktima ay balewala iyon sa mga nakasalubong ,ngunit biglang bumalik ang motorsiklo at nag-overtake sa mga biktima.

Napansin umano ng mga biktima na tumigil ang mga suspek ilang layo sa kanilang kinaroroonan nang biglang namatay ang makina ng tricycle ngunit hindi na pinansin ng mga biktima.

Nang maayos ang tricycle ay pinaharurut na rin ng mga suspek ang kanilang motorsiklo.

Nagulat na lamang ang mga biktima nang makasalubong ang isang puting pick up truck sa madilim na bahagi ng daan sa Brgy Guiddam, Abulug at pinaulanan sila ng bala.

Nagdesisyong ihinto ni Pablo ang tricycle ng matamaan ang gulong nito at kanya-kanya nang takbo ang mga biktima habang pinapaulanan sila ng bala ng hindi pa mabatid na bilang na mga suspek.

Nagtamo ng tama ng baril sa ulo si Taneza, sa tiyan naman kay Agatep, tuhod at hita kay Taala habang sa hita naman kay Pablo na pawang nagpapagamot na sa pagamutan.

Nakuha sa pinangyarihan ng pamamaril ang ilang basyo ng bala ng M16 rifle, calibre 45 maging ang mga hindi nagamit na bala ng 9mm.

Sinabi ni Balod na posibleng humingi ng tulong ang lulan ng motorsiklo na silang namaril sa mga biktima.

Sa ngayon, sinabi ni Balod na kasalukuyan na nilang nirereview ang mga cctv na maaring dinaanan ng mga suspek para sa agarang pagkahuli ng mga ito.