Tiniyak ng pamahalaan na magpapaabot ito tulong sa mga kababayan nating mga magsasaka na isa sa mga pangunahing maaapektuhan ng pananalasa ng El Nino phenomenon sa bansa.
Ayon kay Task Force El Nino Spokesperson Asec. Joey Villarama, sa ngayon ay nakahanda ang tulong na ipapaabot ng pamahalaan para sa halos 4,000 na mga magsasaka na direktang maaapektuhan ng matinding init ng panahon.
Kabilang na dito ang pamamahagi ng gobyerno ng mga binhi sa mga magsasaka para maitanim.
Gayundin ang pagbibigay ng social protection at domestic animal na maaalagaan para na rin sa dagdag kita lalo na’t ang kabuhayan ng mga ito ang pangunahing maaapektuhan ng El Nino phenomenon.
Bukod dito ay patuloy ang ginagawang pagsasaayos ng mga kinauukulan sa mga irrigation canal para sa mas sufficient at efficient na pagdidilig sa mga sakahan.
Kung maaalala, batay sa government bulletin sa ngayon ay pumalo na sa Php151-million ang halaga ng agricultural damage na tinamo ng bansa nang dahil sa epekto ng El Nino na nagdulot ng pagkasayang ng nasa 6,618 metric tons ng palay, at mais, sa mga lalawigan ng Iloilo, Antique, Negros Occidental, at Zamboanga del Norte.