-- Advertisements --

Nag-iwan ng apat na miyembrong patay mula sa Abu Sayyaf Group (ASG) ang inilunsad na focused military operations kaninang madaling araw sa Sitio Gipitan, Barangay Bohe Pahu, Ungkaya Pukan, Basilan.

Ayon kay Western Mindanao Command (WesMinCom) spokesperson Col. Gerry Besana, may natanggap silang intelligence report kaugnay sa presensiya ng grupo ni ASG leader Furuji Indama sa lugar kaya ikinasa nila ang operasyon.

Ito’y sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng 3rd Scout Ranger, 64th Infantry Battallion (IB), 18th IB, at 12th Division Reconnaissance Company.

Sinabi ni Besana, matapos ang matinding bakbakan sa pagitan ng mga tropa at ng ASG, nagbigay din ng close air support ang Philippine Air Force sa mga ground forces.

Target ng airstrike ang mga nagsisitakas na bandido.

Habang isinasagawa ang clearing operations, apat na cadaver ang narekober at tatlong high-powered firearms kabilang ang tig-isang M16 rifle, M14 rifle at R4.

Sa ngayon, nasa proseso na ang militar sa pagtukoy sa identities ng apat na hinihinalaang miyembro ng ASG.

Tiniyak naman ni WesMinCom Commander Lt .Gen. Arnel Dela Vega na magpapatuloy ang operasyon ng militar laban sa teroristang ASG.

“The sustained military operations of JTF Basilan manifest the commitment of the AFP in fulfilling its mandate of bringing internal peace and security in the province of Basilan,” pahayag ni Lt. General Dela Vega.

Hinimok din ni Dela Vega ang publiko na suportahan ang kampanya ng militar laban sa terorismo.