-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Patay na nang makarating sa ospital ang isang apat na taong gulang na batang lalaki matapos na mabagsakan ng pader ng isang abandonadong building sa M. Laserna St. Kalibo, Aklan.

Ang biktima ay kinilala lamang sa pangalang Niko at residente ng naturang lugar.

Batay sa report, habang tinitiltil ng 14-anyos na kuya ang kabilya, biglang bumagsak ang buong pader at naipit ang bata.

Hindi umano alam ng kapatid na nasa kabila ng pader ang biktima.

Ang abandonadong gusali ay dating bowling lane na katapat ng kanilang bahay na palaging pinupuntahan ng mga bata upang maglaro.

Ipambibili sana umano ng bigas ang mga nakuhang kabilya na ibibenta sa junk shop.

Nabatid na wala ang mga magulang ng bata nang mangyari ang insidente.

Halos lumabas na ang lamang-loob ng bata dahil sa bigat ng pader na bumagsak sa kanya.