-- Advertisements --

Dumoble ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa Social Weather Stations (SWS).

Base sa survey na isinagawa ng SWS mula Mayo 4 hanggang 10, lumalabas na pumalo sa 4.2 milion ang nagsabing nakaranas sila ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Natukoy sa survey na 16.7 percent ang involuntary hunger rate nitong Mayo 2020, o doble kumpara sa 8.8 percent noong Disyembre 2019.

Lumabas din sa survey na 99 percent ng mga pamilyang Pilipino ang nakatanggap ng food aid magmula nang kumalat ang COVID-19 sa bansa.

Isinagawa ang survey gamit ang mobile phone at computer-assisted telephone interviews sa 4,010 Filipino na may edad 15 pataas.

Sa naturang bilang 294 ang respondents na kinuha sa Metro Manila, 1,645 ang mula sa Balance Luzon, 792 ang sa Visayas, at 1,279 naman ang sa Mindanao.

Ang naturang SWS survey ay non-commissioned at isinagawa mismo ng SWS sa sariling inisyatiba at inilabas ang resulta bilang public service.