-- Advertisements --

May mga “key issues” pa rin na kailangan ayusin kahit pa bahagyang bumagal ang inflation rate noong Hunyo, ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda.

Ayon kay Salceda, “positive development” ang 4.1% inflation rate noong nakaraang buwan, pero kung titingnan ay bahagyang mataas pa rin ito sa target band ng Bangko Sentral ng Pilipinas na 2-4%.

Ipinapaalala ni Salceda na nagiging kaunti ang options na mayroon ang Pilipinas pagdating sa interest rate adjustments sakali mang manatiling mabilis ang inflation sa gitna ng pandemya.

Hindi aniya kakayanin ng Pilipinas na magkaroon ng biglaang contractionary interest rate increases sa kasalukuyan dahil malilimitahan din nito ang growth prospects sa panahon na bumabangon pa lang ekonomiya kaya dapat manatiling mapagmatyag sa inflationary pressures.

Kailangan din aniyang panatulihin ng Department of Agriculture (DA) ang mga ginagawa nitong mga hakbang para maiwasan ang pagkalat pa lalo ng African swine fever (ASF), lalo pa at nanatili pa ring mataas ang inflation sa ilang food items tulad ng sa karne na kasalukuyan ay 17.2% mula sa dating 22.3%.

Bagama’t bumababa naman ang transport inflation, sinabi ng kongresista na nanatili pa rin ito sa elevated levels.

Asahan na rin aniya na sa datos para sa July inflation ay makakaapekto ang biglaang pagtigil sa libreng sakay sa mga bus sa Metro Manila.

Kailangan ding paghandaan aniya ang petroleum at fuel inflation dahil sa posibleng price hikes ngayong nagre-recover na ang global demand.

Dapat ay tiyakin din na mayroong sapat talagang food supply lalo na ngayong papasok na ang rainy season.