Binalot ng takot ang mga pasahero ng Air Canada flight matapos nitong makaranas ng turbulence habang patungo ang eroplano sa Sydney.
Kinumpirma ng tagapagsalita ng Air Canada na si Peter Fitzpatrick na halos 35 pasahero ng nasabing eroplano ang sugatan matapos ang insidente.
Mula Vancoucer, Canada ay papunta sana ang Flight AC33 sa Sydney, Australia ngunit nag-divert ito sa Daniel K. Inouye International Airport sa Honolulu, Hawaii.
Sa inilabas na pahayag ni Fitzpatrick, dalawang oras na umanong binabagtas ng Boeing 777-200 plane ang himpapawid nang bigla na lamang itong makaranas na matinding air turbulence.
Sa datos na nakalap ng mga otoridad, mayroong 269 pasahero ang nasabing eroplano.
“Our first priority is always the safety of our flights, passengers and crew and as a precaution, medical personnel are on standby to assist passengers in Honolulu,” ani Fitzpatrick. “We are currently making arrangements for the passengers including hotel accommodations and meals in Honolulu, as well as options for resumption of the flight.”