Maagang pinaghahandaan ng Philippine National Police ang kanilang magiging deployment para sa nalalapit na summer vacation.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, kasalukuyan nang pinaplantsa ng pambansang pulisya ang kanilang plano para sa Oplan Summer Vacation 2024.
Dito ay tinatarget ng PNP na magpakalat ng aabot sa 34,000 na mga pulis sa iba’t ibang bahagi ng bansa para tiyakin ang seguridad ng mga bakasyonista at turista.
Aniya, kabilang sa mga magiging sentro at tututukan ng PNP ay ang mga pangunahing transportation terminals sa bansa, mga lugar na tinukoy bilang areas of convergence, at gayundin ang mga simbahan na inaasahang dadagsain ng mga tao sa pagpasok ng holy week.
Bukod dito ay plano rin ng pambansang pulisya na magpakalat ng 7,000 trained tourist police sa mga popular tourist destinations, gayundin ang pagtatatag ng mga police assistance desks sa mga matataong lugar.
Samantala, sa kabilang banda naman ay ipinaubaya na ng liderato ng pnp sa mga regional directors ang paglalatag ng mga security deployment, pagtatakda ng alert status, sa kani-kanilang mga nasasakupan depende sa sitwasyon.