CAGAYAN DE ORO CITY – Inaresto ng pulisya ang higit 30 na sabongero na aktong nasa loob ng cockpit arena na nagpapalaro ng sabong kahit mahigpit na ipinagbawal pa ang anumang super spreader activities dahil sa mataas na banta ng transmission ng COVID-19 sa Purok 1,Barangay Lagtang,Alubijid,Misamis Oriental.
Ito ay matapos sabay na nilusob ng provincial at municipal police forces ang Alubijid Cockpit Arena dahil tahasang nilabag nito ang probisyon ng IATF resolution na mahigpit muna ipinagbawal na mag-operate upang iwasan ang karagdagang hawaan ng COVID-19 ng mga tao sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Alubijid Municipal Police Station commander Lt Concordio Taña na nasa 32 na sabungero ang kanilang naaresto habang tinutugis ang tumatayong operator na retiradong pulis nang makatakas sa kasagsagan ng operasyon.
Sinabi ni Taña na bagamat mayroong permit operate ang arena subalit hindi naman pinahintulutan ng municipal government na ipagpatuloy ang pagpapasabong habang nasa kasalukuyang general community quarantine restriction ang buong probinsya.
Dagdag ng opisyal na nakatakdang isasampa ang mga kaukulang kaso laban sa investors na nasa likod pag-renta ng arena at maging mismo sa mga naaresto na sabungero na naaresto sa nabanggit na lugar kahapon.