-- Advertisements --
OFW ukraine DFA 1 534x462 1

Inihayag ni Senator Risa Hontiveros na may tatlumpu’t-isa pang Pilipino ang maaaring maging biktima ng human trafficking at napilitang gumawa ng cryptocurrency investment scam sa Myanmar.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, sinabi ng isa sa labin-dalawang biktima na naligtas kamakailan mula sa isang human trafficking na nakabase sa China at nag-o-operate sa Myanmar, may 31 pang mga Pinoy na maaaring kailanganing iligtas.

Kung maalala, ibinunyag ni Hontiveros noong nakaraang linggo na ang mga Pilipino ay nire-recruit sa pamamagitan ng mga pekeng advertisement ng trabaho at pinipilit sa mga scam sa pamumuhunan ng cryptocurrency.

Ang mga biktima ay pinangakuan umano ng mga trabaho sa isang call center bilang customer service representative, o bilang data encoder ngunit sa halip ay kinidnap at pinilit na manloko ng mga dayuhan.

Iginiit pa senadora na ang Chinese mafia ay nagpaplanong magtatag ng pangkat ng mga Filipino scammers sa Myanmar.

Gayunpaman, nagbigay ng katiyakan si Senator Risa Hontiveros na ang mga ahensya ng gobyerno kabilang na ang Department of Foreign Affairs at ang Department of Labor and Employment ay kasalukuyang nagtatrabaho sa pagtugon sa nasabing isyu.