CAGAYAN DE ORO CITY – Nababahala ang Department of Labor and Employment Region 10 (DOLE-10) na madagdagan pa ang bilang ng mga empleyado na mawalan ng trabaho mula sa pribadong sektor matapos magsara ang kanilang kumpanya dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni DOLE Senior Labor and Employment officer Bernie Boy Salinas na umabot na sa 31 ka mga kompanya ang nagdeklara ng “permanently closed” sa buong northern Mindanao kung saan nasa 605 workers ang nawalan ng trabaho.
Aniya, nasa 183 ka mga kompanya ang naging apektado sa covid crisis at nasa 152 negosyo o industriya ang nagbawas ng kanilang mga trabahante kung kaya’t nasa 2,333 workers ang nawalan ng trabaho.
Dagdag pa ni Salinas na nagmula sa Cagayan de Oro ang pinakamaraming bilang sa mga kompanya na apektado sa krisis na umabot sa 123; pumapangalawa ang Misamis Occidental sa bilang na 21; 12 sa Bukidnon; 12 sa Misamis Oriental; walo sa Lanao del Norte at isa sa Camiguin.
Base sa kanilang monitoring, ang mga negosyo na may kaugnayan sa wholesale at retail; constructions; banking and financial institution/money transfer; hotel accomodation at manufacturing ang siyang pinaka-apektado COVID-19 pandemic.
Napag-alaman na nasa 2,938 workers na sa buong rehiyon ang apektado sa nangyaring pandemya.