DAGUPAN CITY — Makakatulong sa pangkalahatang stocks ng bansa.
Ito ang sinabi ni Federation of Free Farmers Chairman Leonardo Montemayor hinggil sa nakatakdang pagangkat ng 300,000 metric tons ng bigas na papasok sa bansa nitong buwan ng Agosto hanggang Setyembre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na bagamat makadaragdag sa imbak na bigas ng bansa, ay hindi pa rin ito makasasapat upang mapuno ang pangangailangan ng bawat Pilipino sa kasalukuyan hanggang sa katapusan ng susunod na buwan.
Aniya na ang inaasahan kasi na ani ng lokal na palay ay magsisimula pa lamang sa darating na Oktubre kung saan ay nananatiling manipis ang national stocks ng bigas sa bansa at tatagal na lamang ng nasa 39 na araw para sa pagkonsumo.
Kaya naman kung bibilangin ito mula Agosto 1 hanggang sa katapusan ng buwan ay aabot na lamang ang national stocks hanggang sa unang linggo ng buwan ng Setyembre.
Saad nito na ang nakatakdang pagangkat ng 300,000 metric tons ay aabot ito sa pito hanggang walong araw ng suplay ng produkto, at kung ito ay idaragdag sa walong araw na imbak ng bigas ay aangkop lamang ito para sa unang 16 na araw ng buwan ng Setyembre.
Dagdag pa ni Montemayor na malaki ang epekto ng pagbawi ng bansang India ng pagexport ng bigas sa Pilipinas dahil sa umiiral na Rice Export Ban sa naturang bansa. Dahil dito ay magsisitakbuhan ang mga bansa na dating bumibili ng bigas sa India sa ibang mga bansa gaya ng Thailand at Vietnam na pinakamalaking supplier ng bigas sa Pilipinas na nagaambag ng kabuuang 90% ng rice products.
Paliwanag pa nito na bunsod ng paligsahan ng mga bansa sa pagangkat ng bigas mula sa mga ito ay lalo nitong itutulak ang presyo ng imported na bigas nang pagtaas sa presyo ng naturang produkto.
Samantala, binigyang-diin din ni Montemayor na hindi na nakapagtataka kung may ilan na mga nananamatala o mananamantala sa sitwasyon ng kakulangan ng suplay ng bigas kung saan ay tingi-tingi ang ginagawa nilang paglabas ng bigas sa merkado upang maitaas ang presyo nito.
Saad nito na ito ang dapat na matutukan ng pansin ng pamahalaan, lalo na ngayong nakatali ang kamay ng National Food Authority gawa ng batas na Rice Tarrification Law na tinanggalan ang ahensya ng inspection o visitorial powers.
Kaya kung dati ay mayroon silang kapangyarihan na buksan ng sapilitan ang mga bodega ng private traders upang masiyasat kung sila ba ay nagho-hoarding ng bigas o hindi, ngayon ay tinanggalan na sila ng kapangyarihan na sugpuin ang mga ganitong masamang kalakaran.
Aniya na kinakailangan na marepaso o maamyendahan ang Rice Tarrification Law upang mabigyan ng kapangyarihan at flexibility ang pamahalaan, upang kung sakaling magkaroon ng kakulangan ng bigas ay magkaroon ang mga kinauukulan ng kamay sa pagaangkat ng produkto upang mapunan ang mga kakulangan at pangangailangan sa mga ito.
Saad pa nito na hindi lamang sasapat ang pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka lalo na ngayon na ang pangunahing alalahanin ng pamahalaan ay kung papaano mapupunan ang kakulangan ng suplay ng bigas sa bansa sa nalalabing mga araw ng buwan ng Setyembre.
Kaya naman mainam na kung sakaling makahanap pa aniya ng mapagbibilhan ng imported rice ay mahikayat ng pamahalaan ang mga private sectors na magpasok ng naturang produkto.
Subalit isa namang alalahanin ang napakamahal na bilihan ngayon ng imported na bigas at bukod pa rito ay mahigpit ang suplay nito mula sa mga bansa gaya ng Vietnam, kaya naman panawagan nito sa publiko na mabuting magtipid muna at maging wais sa pagkonsumo ng bigas o kanin upang maitawid ang lean months ang Agosto at Setyembre.