Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang National Irrigation Administration (NIA) matapos mabatid na anim na taon ng delay ang nasa halos 300 kontrata ng mga programa para sa irigasyon.
Batay sa 2018 COA report, natukoy ng state auditors na higit P20-bilyon ang halaga ng 299 irrigation contracts ang na-delay dahil sa mababang performance ng mga contractors.
Bukod dito, wala rin umanong liquidation report na isinumite ang contractors na bigong hawakan ang P12.24-bilyong halaga ng 44 na kontrata.
Hiwalay pa raw ito sa 20 dagdag na kontratang nagkakahalaga ng P9-bilyon na hindi ibinasura ng NIA sa kabila ng mga kapalpakan.
Ayon sa COA, malaki ang naging epekto ng hindi magandang planning at survey ng NIA, gayundin ang pagkuha sa right of way kaya na-delay ang mga proyekto.
“Review disclosed that Management had not been able to fully address the recurring issue on considerable delays in the implementation of NIA projects.”
Inirekomenda ng state auditors na sundin ng NIA ang probisyon sa ilalim ng Government Procurement Reform Act.
Pinaiimbestigahan at pinakakasuhan din ng COA sa NIA legal department ang mga contractor na mapapatunayang nabigo sa kanilang responsibilidad.
Nangako naman ang NIA na tutugon sa mga utos ng state auditors.