Nasa heightened alert na ang pamunuan ng 7th Infantry Division (ID) ng Philippine Army bilang paghahanda sa 50th anniversary ng pagkakatatag ng New People’s Army (NPA) sa March 28.

Ayon kay 7th ID Commander B/Gen. Lenard Agustin, haharangin nila ang anumang hakbang ng mga rebelde na sisira sa kapayapaan gayundin sa kaayusan sa gitnang Luzon kung saan may mga hukbo ang NPA.

Ito’y sa harap na rin aniya ng malaking pagbaba ng bilang ng mga rebelde sa kanilang lugar na nasasakupan bunsod ng ipinagmamalaki ng Department of Interior and Local Government na tagumpay ng ginagawa nilang localized peace talks.

Dagdag pa ni Agustin, bagama’t malugod nilang tinatanggap ang pagbabalik loob ng ilan sa mga rebelde at panawagan na rin sa iba pa na sumuko, dapat manatili silang mapagmatyag laban naman sa iba pang ayaw ng kapayapaan.

Kasunod nito, patuloy ang panawagan ni Agustin sa iba pang lokal na pamahalaan sa ilalim ng kanilang pananagutan na maglunsad na rin ng localized peace talks at kumbinsihin ang teroristang grupo na isang magandang buhay ang naghihintay sa kanilang pagsuko.