Kinumpirma ng United States Central Command na tatlong buhay ang nasawi nang dahil sa panibago nanamang pag-atake ng Houthi rebels sa isang Barbados-flagged bulk carrier sa bahagui ng katubigang sakop ng Gulf of Aden.
Ito nga ay matapos na atakihin ng isang anti-ship ballistic missile ang naturang barko na kumitil naman sa buhay ng tatlo sa mga tripulanteng sakay nito.
Ayon sa U.S. military, ito ang kauna-unahang fatal strike na ginawa ng naturang rebeldeng grupo bilang bahagi umano ng kanilang assault campaign sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng Israeli Defense Forces at Hamas militants.
Kaugnay nito ay iniulat din ng Central command ng US military na ang anti-ship ballistic missile na pinakawalan ng Houthi rebels ay nagdulot ng malaking pinsala sa nasabing barko kung saan bukod sa mga nasawi ay may apat din na mga crew members nito ang nasugatan.
Dahil dito ay napilitan ang mga tripulanteng sakay ng inatakeng barko na abandonahin ito at lumikas sa tulong na rin ng U.S. warship at Indian navy.
Samantala, kaugnay nito ay sinabi naman ni Houthi military spokesman BGen. Yahya Saree na ang panibagong pag-atake na ito ng kanilang grupo ay isang prerecorded message, kasabay ng pagsasabi na ititigil lamang nila ang mga rebeldeng pag-ataek sa oras na matigil na rin ang pagkukubkob sa mga Palestino sa Gaza.