ILOILO CITY – Apat na miyembro ng pamilya ang sugatan matapos ang nangyaring pananaga sa Barangay Captain Fernando, Leon, Iloilo.

Ang mga biktima ay sina Fe Caloyo, 69-anyos, na nagkasugat sa siko; alyas Nene, 15, buntis na nasugatan sa ulo; at ang kanyang stepdaughter na si Analie Caloyo, 21.

Ang suspek ay si Jomarie Calaor, 44, ay nasa kritikal namang kondisyon matapos na tinaga rin ng kanyang mga kaanak.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police. Executive Master Sgt. Roberto Ellorquez, Deputy Station Commander ng Leon Municipal Police Station, sinabi nito na lasing na pumunta ang suspek sa bahay ng kanyang biyenan upang kausapin ang kanyang maybahay na makipagbalikan sa kanya.

Ngunit nauwi sa pagtatalo ang pagkikita ng mag-asawa.

-- Advertisement --

Nang dumating ang biyenan ng suspek na may dalang itak, inakala nito na tatagain siya kaya inunahan niya na ito.

Matapos nito, sunod naman na tinaga ng suspek ang sariling anak na buntis pa at ang kanyang stepdaughter.

Sa ngayon, nag-aagaw buhay ang suspek matapos pinagtulungan tagain ng pamilya ng kanyang asawa.