-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Sugatan ang tatlong miyembro ng Philippine National Police (PNP) habang nagsisilbi ng warrant of arrest sa lalawigan ng Lanao Del Sur.

Nakilala ang mga sugatang biktima na sina Police Captain Karl Vincent Centenaje,Corporal Morsed Maliga at Patrolman Abdul Khamied Unda, pawang nakatalaga sa Kapatagan Lanao Del Sur Municipal Police Station.

Sa ulat ng PNP-BARMM Regional Office na magsisilbi sana ng warrant of arrest ang mga pulis katuwang ang mga tauhan ng 5th Special Marine Battalion laban kay Meranda Bagnas alyas Kens,45 anyos,may asawa at residente ng Barangay Dugoan Kapatagan Lanao Del Sur.

Papalit pa lamang ang raiding team sa kanilang target ay bigla itong pinaputukan ng mga armadong kalalakihan gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Tumagal ng halos 45 minutos ang palitan ng bala sa magkabilang panig dahilan nang pagsilikas ng mga sibilyan sa takot na maipit sa gulo.

Agad umatras ang mga armadong grupo nang matunugan nito ang paparating na karagdagang pwersa ng militar at pulisya.

Ang mga sugatang pulis ay agad dinala sa pagamutan habang patuloy na tinutugis ang grupo ni Bagnas.