Arestado sa Parañaque City ang tatlong puganteng Chinese na wanted sa kanilang bansa at sa Pilipinas ayon sa Bureau of Immigration (BI) ngayong Linggo, Agosto 18.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang tatlong pugante na sina Jun Chen, 28; Hongru Zhang, 26; at Hao Zhen, 27, na pawang nahaharap sa mga kasong robbery, grave coercion, illegal detention, gun possession, at illegal drugs trading na isinampa ng pulisya sa tanggapan ng prosecutor ng Parañaque City.
Ani Tansingco, inaresto ang mga ito ng Fugitive Search Unit (BI-FSU) ng BI sa Barangay Tambo sa Paranaque City noong Agosto 13.
Ang mga kaso laban sa mga naturang tsino ay isinampa kasunod ng pagsagip sa isang Vietnamese national na kanilang kinidnap at ikinulong.
Kasabay nito, sinabi ni Tansingco na ang tatlong Chinese nationals ay subject ng arrest warrants na inisyu ng public security bureau sa Jinjiang, China at ngayon ay undocumented alien dahil ang kanilang mga pasaporte ay kinansela na rin ng Chinese government.
Ang mga naaresto ay nakakulong na ngayon ng Paranaque City police habang hinihintay ang pagresolba ng criminal complaint laban sa kanila.