Kinumpirma ni PNP chief Gen. Debold Sinas na tatlong police generals ang nagpositibo sa COVID-19 virus.
Ang tatlong heneral ay kabilang na sa 8,103 police officers na infected ng nakamamatay na virus.
Kinilala ni PNP chief ang tatlong heneral na nagpositibo sa COVID-19 ay sina Brig. Gen. Ronnie Ylagan, district director ng Northern Police District (NPD) at incoming Regional Police Director ng Region 9, Brig. Gen. Rommil Mitra, hepe ng Firearms and Explosives Office (FEO) at Brig. Gen. Joey Runes mula sa Office of Chief PNP na nakatakdang magretiro sa serbisyo sa buwan ng Disyembre.
Inihayag ni Sinas na hindi nakadalo sa command conference noong Sabado ang tatlong opisyal dahil infected ang mga ito sa COVID-19 virus.
Sa ngayon istriktong ipinapatupad sa Camp Crame ang regular swab testing.
Aminado si Sinas, bagamat marami pa rin ang active cases sa hanay ng PNP wala naman dito ang nasa kritikal na kondisyon.
Sa datos ng PNP Health Service, sa mahigit 8,000 na confirmed COVID-19 cases nasa 370 rito ang active cases.
Nasa 862 naman ang probable cases at nasa 1,228 ang possible cases.
Nananatili pa rin sa 26 ang fatalities ng PNP sa COVID-19.