-- Advertisements --

DAVAO CITY – Sobrang selos ang tinitingnang anggulo sa naganap na pananaksak na ikinasawi ng tatlong katao sa isang boarding house sa Matina Crossing, Davao City, dakong ala-1:00 kaninang madaling araw.

Ayon kay Police Major Ronald Lao, hepe ng Talomo Police Station, isang Daryl Aguilar, 22-anyos na residente ng Mati City, Davao Oriental, live-in ng isa sa mga biktima, ang suspek sa krimen.

Nakilala ang mga biktima na sina Jessa May Abiton, 24-anyos na call center agent, education graduating student, live-in ni Aguilar; babaeng nakababatang kapatid ni Jessa May na si Jesybell Abiton, 20, psychology student; at ang pinaniwalaang binabaeng kaibigan nito na nagngangalang Caryl Jiff Salianon, 20.

Nakatira sa boarding house ng Sunrise Village, Matina Crossing sa Davao City ang mga biktima.

Nabatid na nakahiga sa isang higaan lamang ang mga biktima.

Mismong ang suspek ang nagsabi sa kanilang land lady na napatay nito sa saksak ang mga biktima at nakiusap na tumawag ng pulis para sa kanyang pagsuko.

Nagtamo din ng apat na saksak sa katawan at braso ang suspek na nasa Southern Philippines Medical Center.