-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY — Patay ang tatlo katao matapos hindi makalabas sa nasunog nilang bahay nitong hapon ng Huwebes.

Nangyari ang sunog sa Morales Subdivision Brgy. City Heights General Santos City at inabot nang isang oras bago tuluyang naapula.

Ayon sa Bureau of Fire Protection Gensan, sirado ang bahay kayat sinira nila ang gate at nang makapasok ay tumambad ang mga bangkay ng tatlong mga biktima.

Ayon kay Rosita Gatan, alas 2:00 ng hapon nang magsimula ang sunog at parati umanong sirado ang bahay kahit pa mayroong mga tao sa loob.

Pagmamay-ari ng isang pulis ang bahay na kinilala na si Police Officer Manman Esteban ng General Santos City Police Office .

Kaagad namang umuwi ang pulis mula sa kanyang training nang mabalitaan ang nangyari at labis ang paghihinagpis nito ng malamang hindi nakaligtas ang tatlo.