-- Advertisements --

Nagpapatuloy ang manhunt operation sa isang sundalong umano’y pumatay sa kanyang tatlong kasamahan sa isang gun and axe attack sa isang air base sa Russia.

Sa isang pahayag, sinabi ng Investigative Committee na pinalakol ng suspek, na nakilalang si Pvt. Anton Makarov, ang isang opisyal hanggang sa mamatay ang biktima sa Baltimor military airfield malapit sa siyudad ng Voronezh.

“In order to get hold of a service weapon Makarov killed an officer with an axe,” saad ng komite.

Matapos nito, nagsimula namang mamaril si Makarov sa kanyang mga kasamahan, na nag-iwan ng dalawang patay at isang sugatan.

Kaugnay nito, sinasabing nag-ugat ang insidente nang mag-away ang isang sundalo at opisyal kasunod ng isang inspeksyon.

Inagaw naman umano ng sundalo ang holster ng opisyal at saka ito nag-umpisang mamaril.

Sa nasabing base militar matatagpuan ang Sukhoi Su-34 supersonic medium range fighter-bomber strike aircraft. (AFP)