-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Patay ang tatlong katao sa nangyaring banggaan ng dalawang kotse sa Barangay Milagrosa, Castilla, Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Capt. Jeronie Fartingca ang hepe ng Castilla Municipal Police Station, kinilala ang mga biktima na si Melvin Valenzon Dolot ang nagmamaneho ng naaksidenteng puting kotse at mga pasahero nitong sina Ma. Theresa D Peterson at Jeriel Mirandilla.

Ayon sa imbestigasyon ng mga otoridad at base sa testimonya ng mga nakakita sa insidente, mabilis umano ang takbo ng kotseng sinasakyan ng mga biktima na nag-overtake sa sinusundan nitong truck.

Subalit dahil sa madulas na daan na dulot ng ulan at sa bilis ng takbo nito, nawalan ng kontrol ang sasakyan hanggang sa mag-u turn at kainin ang kabilang linya ng kalye.

Nagkataon naman na papadaan ang isa pang kotse na minamaneho naman ni Jonathan Samsom Peralta kung kaya’t nagkabanggaan ang dalawang sasakyan.

Sa lakas ng impact, nayupi ang likurang parte ng sasakyan ng mga biktima at patay ang lahat ng sakay nito, sugatan naman at nagpapagaling pa sa ospital ang driver ng isa pang kotse.

Sa ngayon, patuloy pang nagsasagawa ang mga otoridad ng imbestigasyon sa insidente habang nabatid na accident prone area talaga ang pinangyarihan ng banggaan.