-- Advertisements --

Anim na magkakamag-anak ang nasawi sa isang matinding sunog na sumiklab madaling araw ng Lunes sa Barangay Nancayasan, Lungsod ng Urdaneta, Pangasinan.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Urdaneta City, itinuturing ang insidente bilang pinakamalala sa kasaysayan ng sunog sa lungsod sa mga nakalipas na taon.

Batay sa ulat, dalawang bahay ang natupok ngunit nakaligtas ang ibang mga nakatira maliban sa anim na biktima.

Kabilang sa mga nasawi ang isang 72-anyos na lola, isang 59-anyos na babae, dalawang lalaki na may edad 45 at 42, at dalawang bata na nasa edad 11.

Ayon kay SF03 Nathaniel P. Aquino, Deputy City Fire Marshal ng Urdaneta City Fire Station, nagsimula ang sunog bandang alas-3:00 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang mga residente.

Aniya, ito na ang ikalawang sunog ngayong buwan ngunit may pinakamalubhang resulta.

Muli namang nagpaalala ang BFP sa publiko na maging mapagmatyag at maingat sa paggamit ng mga kagamitang maaaring pagmulan ng sunog upang maiwasan ang trahedya.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente at ang kabuuang halaga ng pinsala.