KORONADAL CITY – Nagresulta sa pagkamatay ng dalawang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)- ISIS inspired group at isang sundalo ang panibagong engkwentro na sumiklab sa probinsiya ng Maguindanao.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Baldomar, nangyari ang insidente sa Shariff Saydona Mustapha.
Nagresponde ang umano ang mga sundalo matapos iniulat ng mga residente doon ang presensiya ng mga armadong grupo.
Sa pagpasok pa lamang umano ng tropa ng mga sundalo ay pinaputukan na sila sa magkaibang direksiyon ng mga BIFF kaya’t nagpalitan ng putok na ikinamatay ng sundalong si Army Sgt. Jungie Dizon na taga-Silos Murcia,Negros Occidental.
Samantala, kinilala naman ng mga residente sa lugar ang dalawang kasapi ng BIFF na binawian din ng buhay sa engkwentro na sina alyas Murshid at Jaamil.
Malaki naman ang paniniwala ni Baldomar na kahit marami na umanong mga BIFF ang sumuko at nagkakawatak-watak na ang iba sa kanila ay patuloy na nagsasagawa ng paraan upang makagawa ng karahasan.
Kaugnay nito, mas hinigpitan nila ang monitoring sa mga lugar na maaaring guluhin pa ng mga ito lalo na at nalalapit na ang filing ng certificate of candidacy (CoC) ng mga kandidato para sa darating na May 2022 elections.